MMDA sa water interruptions: ‘We should expect for the worst on Saturday’

MMDA photo

Posibleng maranasan na simula sa Sabado, June 22 ang matinding kakulangan ng tubig.

Sa pulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Pagasa, Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), National Water Resources Board (NWRB), Maynilad at Manila Water araw ng Huwebes, sinabi ng weather bureau na walang nakikitang pag-ulan sa susunod na walong araw.

Dahil dito, tiyak nang sasadsad sa 160-meter critical level for domestic use ang antas ng tubig sa Angat Dam at walang tyansa na tumaas ito.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, asahan na ang malalang sitwasyon sa kakulangan ng tubig simula Sabado.

Sa Hulyo pa ang rainfall na inaasahan ng PAGASA.

Bunsod ng pagbababa sa 36 cubic meters per second na alokasyon sa MWSS, wala nang makapipigil sa 14 hanggang 17 oras na water interruptions sa maraming lugar.

Ayon kina Manila Water CEO Ferdinand Dela Cruz at Maynilad President Ramoncito Fernandez, layon nitong mapatagal pa ang imbak ng tubig.

Nangako naman ang dalawang concessionaires sa MWSS na tama at nasa oras ang kanilang abiso tungkol sa ipatutupad na service interruptions.

Ipinanawagan naman ni Garcia sa publiko ang responsableng paggamit sa tubig.

Hindi umano advisable na lahat ng mamamayan ay mag-iipon ng tubig na lalong magiging dahilan ng pagkaubos ng suplay.

Ipinauubaya naman ng MMDA sa local government units (LGUs) ang pagdedeklara ng state of calamity.

 

Read more...