Higit P20M halaga ng sigarilyo ipinuslit sa Zamboanga City
Nakumpiska ng mga otoridad ang mahigit P20 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa karagatan malapit sa Baliwasan Seaside sa Zamboanga City Huwebes ng umaga.
Naharang ng mga tauhan ng Philippine Navy ang puslit na mga sigarilyo na nakalagay sa maliit na cargo vessel.
Ayon kay Segundo Sigmundfreud Barte Jr., district collector ng Bureau of Customs, nasa 700 kahon na may lamang smuggled na mga sigarilyo ang isinakay sa cargo vessel.
Galing sa Indonesia ang kontrabando at ipapasok sana sa Zamboanga City para ibenta.
Nabatid na walang naipakita ang kapitan ng cargo vessel na mga dokumento at permit na magpapakitang legal ang mga sigarilyo.
Nakatakdang maglabas ang Bureau of Customs (BOC) ng warrant of seizure and detention laban sa kontrabando.
Sisirain naman ng BOC ngayong Biyernes ang nakumpiskang mga sigarilyo para hindi na maipuslit pa ang mga kontrabando na nasa kanilang bodega.
Samantala, iniimbestigahan na ng Maritime Industry Authority ang cargo vessel kaugnay ng paglabag sa maritime laws sa bansa.
Sa ilalim ng batas, bawal ang pagdala ng kontrabando gamit ang mga rehistradong cargo vessels.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.