Kakulangan ng supply ng tubig sa Metro Manila, lalala pa; Angat Dam malapit na sa critical level
Darami pa ang maapektuhan at mas hahaba pa ang water interruptions sa Metro Manila kapag umabot na sa critical level ang antas ng tubig sa Angat Dam.
Babawasan pa ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa 36 cubic meters per second ngayong Biyernes.
Ayon kay NWRB executive director Sevillo David, ito ay dahil inaasahang aabot na sa critical level na 160 meters ang antas ng Angat Dam.
Dahil dito, sinabi ni Manila Water president and CEO Ferdinand Dela Cruz na hahaba pa ang oras ng water interruptions para mapahaba pa ang panahon na may supply ng tubig.
Ayon naman kay Maynilad president and CEO Ramoncito Fernandez, kapag nabawasan pa ang alokasyon mula sa NWRB ay mas marami pang kabahayan ang maaapektuhan at madaragdagan pa ang oras na walang tubig.
Pinaalalahanan naman ng MWSS ang Maynilad at Manila Water na maayos at agarang abisuhan ang kanilang mga customers ng schedule ng water interruptions.
Samantala, tinalakay ng MMDA at kaukulang mga ahensya at tanggapan ang contingency measures kaugnay ng paghahanda sa mas malalang kakulangan ng supply ng tubig.
Iginiit ni MMDA chairman Danilo Lim na kailangang maghanda sa “worst scenario” kapag lumala ang water interruptions sa susunod na mga araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.