Water supply ng Maynilad balik-normal na

 

Inquirer file photo

Kinumpirma ng Maynilad Waters na balik na sa normal ang supply ng tubig at water pressure para sa kanilang mga consumers sa Metro Manila at ilang mga bayan sa Cavite.

Sinabi ni Maynilad Water Supply Operations Head Ronaldo Padua na may go signal na mula sa National Water Resources Board ang nasabing hakbang dahil balik na rin sa normal ang antas ng tubig sa Angat at Ipo Dams.

Kaninang umaga ay naitala sa 213.12meters ang water elevation sa Angat Dam samantalang tumaas naman ng lampas sa 100 meters ang tubig sa Ipo Dam na mga pangunahing source ng tubig ng Maynilad.

Noong isang taon ay inanunsyo ng nasabing water concessionaire na babawasan nila ang water pressure sa buong sakop ng kanilang serbisyo dahil sa banta ng El Niño.

Mula sa normal na 40 cubic meters ay ibinaba nila ito sa 38 cubic meters hanggang sa muling naibalik sa normal na level ngayong araw.

Sa kabila nito, pinayuhan pa rin ni Padua ang publiko na magtipid pa rin sa paggamit ng tubig dahil tuloy pa rin ang nararanasan nating El Niño na posibleng tumagal pa ng hanggang sa kalagitnaan ng 2016.

Read more...