South Korea magpapadala ng 50,000 tonelada ng bigas sa North Korea
Plano ng South Korea na magbigay ng 50,000 tonelada ng bigas sa North Korea na kasalukuyang nakararanas ng food shortage dahil sa tagtuyot.
Nararanasan ang pinakamatinding tagtuyot sa North Korea sa loob ng 37 taon na nagresulta naman sa food shortage at pinalalala ng economic sanctions na ipinataw laban sa bansa.
Inanunsyo ni South Korean unification minister Kim Yeon-chul araw ng Miyerkules na ipadadala ang rice shipment sa North Korea sa pamamagitan ng United Nations World Food Program bago ang buwan ng Setyembre.
Ani Kim, hindi maaaring ipagsawalang-bahala ng South Korea ang nararanasang hirap ng mga mamamayan ng North Korea.
Sa ulat ng United Nations noong Mayo, sinabing nasa 40 percent o 10 milyon ng populasyon ng North Korea ngayon ang nangangailangan ng ayuda sa pagkain dahil sa krisis sa ani bunsod ng tagtuyot.
Samantala, ito ang kauna-unahang donasyon ng South sa North matapos ang halos isang dekada.
Noong 2010 ay nagpadala rin ng 5,000 tonelada ng bigas ang Seoul sa Pyongyang.
Ang anunsyo ng pagpapadala ng bigas ay isang araw bago ang two-day visit ni Chinese President Xi Jinping sa North Korea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.