Sa pulong balitaan sa Occidental Mindoro araw ng Miyerkules, sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na nais ng mga mangingisda na mga Filipino lamang ang makapangisda sa Recto Bank.
“The fishermen are asking the President that Recto Bank, which is their traditional fishing ground, should be their exclusive fishing grounds and they want help in securing the area,” ani Piñol.
Ayon sa mga mangingisda, noon pang 2014 ay marami ng foreign vessels ang nangingisda sa Recto Bank na 85 nautical miles lang ang layo sa Palawan at pasok sa 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas.
Magugunitang batay sa Hague ruling noong 2016, ipinagkaloob sa Pilipinas ang karapatan sa Recto Bank, Panganiban Reef at Ayungin Shoal.
Sa pulong balitaan, sinabi rin ni Piñol na iligal ang presensya ng mga banyaga sa Recto Bank kabilang na ang mga Vietnamese na sumagip sa 22 mangingisdang Pinoy.