Piñol: Bersyon ng Chinese crew sa Recto bank incident dapat mapakinggan
Dahil nagkaroon ng pagbabago sa pahayag ang kapitan ng GemVer 1 na si Junel Insigne, naniniwala si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na dapat ding marinig ang bersyon ng kwento ng crew ng Chinese vessel.
Matapos ang closed-door meeting kay Piñol araw ng Miyerkules, sinabi ni Insigne na hindi na siya sigurado kung intensyonal ang pagbangga sa kanila ng Chinese vessel.
Sinabi nitong emosyonal lang siya masyado sa naging unang mga pahayag kaya’t sinabing intensyonal ito.
Si Piñol ang miyembro ng gabinete na inatasan na pamunuan ang pagtulong sa 22 mangingisda.
Ayon sa kalihim, ang isyu sa Recto Bank ay mareresolba lamang sa pamamagitan ng malalim na imbestigasyon at kailangan dito ang bersyon ng Chinese crew.
“Baka hindi sila nakita ng bangka ng Intsik. Ayon naman sa ibang tripolante, baka intentional but this is something that is better resolved by a marine inquiry… So ang suggestion, humihingi sila ng malalim na imbestigasyon para hindi lamang malaman not only their side but also the side of the Chinese vessel,” ani Piñol.
Iginiit naman ng kalihim na intensyonal man o hindi ang insidente ay hindi tama na inabandona ang mga Filipinong mangingisda matapos mabangga.
Sa ilalim ng maritime laws anya ay iligal ang ginawa ng mga Chinese at immoral naman sa ilalim ng batas ng tao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.