Hindi na tinalakay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapin sa Recto Bank incident sa ipinatawag na AFP-PNP Joint Command Conference kagabi (June 18) sa Malakanyang.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenza, sumentro ang command conference sa pyramiding at financial scam ng KAPA Ministry ni Pastor Joel Apolinario.
Una rito, ipinag-utos ng pangulo sa NBI at CIDG na ipaaresto ang mga personalidad na nasa likod ng KAPA Ministry at ipasara ang operasyon nito dahil pangloloko ang ginagawa sa kapwa.
Dagdag ni Lorenzana, tinalakay din sa pagpupulong kagabi ang update sa development sa Sangley Airport sa Cavite dahil sa pagnanais ni Pangulong Duterte na mailipat roon ang general aviation at domestic flights para ma-decongest ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at maiwasan ang mga cancelled at delayed flights.
Tinalakay din ang usapin sa military at police operations, ang update sa kampanya ng pamahalaan para tuldukan ang insurgency pati na ang army capability upgrade.
“The Recto bank incident was not discussed. What were taken up were: updates on Military and police operations, the pyramiding financial scam, Sangley airport, update on the campaign to end insurgency and army capability upgrade,” ayon kay Lorenzana.
Wala namang ibinigay na rason si Lorenzana kung bakit hindi tinalakay ng pangulo ang usapin sa Recto Bank incident.
Una rito, sinabi ng pangulo na isang maliit na aksidenteng pangdagat lamang ang nangyari sa Recto Bank.