Plano ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na talakayin sa kanyang pagdalo sa ASEAN Defense Ministers Meeting sa susunod na dalawang Linggo ang sinapit ng 22 mangingisdang Pinoy na binangga ng Chinese vessel sa Recto Bank.
Ayon kay Lorenzana, maaring mapag-usapan nila ng kanyang counterpart mula sa Vietnam at iba pang claimant countries sa West Philippine Sea ang insidente sa Recto Bank.
Gagawin ang ASEAN Defense Ministers Meeting sa Bangkok Thailand sa Hulyo.
Samantala, Inamin ni Lorenzana na napagkasunduan din sa Cabinet cluster meeting na dapat ay mayroon na lamang isa o dalawang opisyal ng pamahlaan na magsasalita sa isyu at ito say sa katauhan nina Presidential Spokesman Salvador Panelo at Cabinet Sec. Karlo Nograles.
Idinipensa din ng Kalihim ang mistulang pagbabago ng tono nito sa nauna niyang pahayag sa sinasbaing pagbangga ng Chinese Vessel sa F/B GemVer Uno.
Paliwanag ng Kalihim, may mga bagong ebidensiya kasi na lumulutang base na rin sa kwento ngmga tripulante ng F/B GemVer sa kung ano ang posibleng tunay na sinapit ng mga mangingisdang Pinoy.
Pero nanatili naman anya ang kanyang pagkondena sa pag-abandona at hindi pagsaklolo ng mga sakay ng Chinese vessel sa mga tripulante ng F/B GemVer.
Gaya ng naging pahayag ng Pangulong Duterte, naniniwala rin ang Kalihim na isa lamang itong maritime accident.