Nagsalita na rin ang may-ari ng Vietnamese boat na nagligtas sa 22 mangingisdang Pinoy na binangga at inabandona ng Chinese vessel sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Si Ngo Van Theng, may-ari ng Vietnamese boat ay nakipag-usap sa Vietnamese newspaper na VNEXpress International, kahapon, araw ng Martes.
Kwento ng Vietnamese, bilang mangingisda sa loob ng maraming taon, ito ang unang pagkakataon na ang kanyang bangka ay tumulong sa isa pang bangka na anya’y pagmamay-ari pa ng banyaga.
“After working as a fisherman for many years, this is the first time that my family’s ship has rescued another vessel, especially a foreign ship. I believe that anyone who heads out to sea would have done the same thing, not just us,” ani Theng.
Nakausap niya umano ang kapitan ng kanyang bangka na si Nguyen Thanh Tam para alamin kung ano ang nangyari.
Ayon sa salaysay ni Tam, naka-angkla sa Truong Sa Islands bandang ala-1:00 ng madaling araw (June 10) ang kanilang fishing vessel nang magising sila ng tinig ng mga banyaga.
Agad nilang tiningnan sa pamamagitan ng flashlights ang paligid at dito tumambad sa kanila ang dalawang mangingisda sa gilid ng kanilang fishing vessel.
Sumesenyas umano ang dalawang lalaki na tila humihingi ng agarang tulong.
Kabado si Tam dahil naisip niyang mga pirata ang mga lalaki pero nakita niya umano ang mga itong basang-basa at nanginginig kaya’t naisip niyang maaaring nagkaroon ng aksidente sa dagat.
Dinala ng mga Filipino ang Vietnamese fishermen sa kanilang lumubog na bangka na halos isang oras ang layo mula sa pinag-angklahan ng Vietnamese vessel.
Namataan ng Vietnamese crew ang grupo ng 20 mangingisdang Pinoy na nakasuot ng life jackets at kapit na kapit sa plastic barrels at mga kahoy para lamang makalutang sa dagat.
Pagod, gutom at nilalamig. Ganito ang pagsasalarawan ng Vietnamese sa mga mangingisdang Pinoy na anila’y agad nilang binigyan ng kanin, instant noodles at mga gamit pampainit.
“The Vietnamese crew found a group of 20 Filipino fishermen wearing life jackets clinging on to plastic barrels and pieces of wood from a sunken boat. They were tired, hungry and cold,” ayon sa ulat.
Kwento umano ng mga mangingisdang Pinoy sa Vietnamese crew, nabangga sila ng isang barko.
Bandang alas-5:00 ng madaling-araw ay bumalik sa Truong Sa Islands ang Vietnamese vessel at ipinahiram sa mga Filipino ang kanilang radyo para manghingi ng tulong.
Isang bangka naman ang dumating bandang alas-2:00 ng hapon para iligtas ang mga mangingisdang Pinoy.
Ang kwento ni Tam ay ‘consistent’ o sakto sa salaysay ng captain ng banking pangisda ng mga Filipino na si Junel Insigne.