Pahayag ni Pangulong Duterte sa Recto bank incident, nakakainsulto ayon kay Senator Ping Lacson.

By Jan Escosio June 18, 2019 - 09:54 AM

Tinawag na pagsuko ni Senator Panfilo Lacson ang naging pahayag ni Pangulong Duterte na ‘maritime incident’ ang pagkakabangga at pagpalubog ng isang Chinese vessel sa isang bangkang pangisda ng mga Filipino sa karagatan ng Recto Bank.

Sa kanyang tweet, sinabi ni Lacson na nadismaya siya sa kauna-unahang pahayag ni Pangulong Duterte ukol sa insidente, kung saan muntik mamatay ang 22 mangingisdang Filipino.

Sinabi pa ng senador na nakalimutan ng Punong Ehekutibo na may iba pang paraan bago ito sumuko.

Binanggit nito ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at US na maaring isang opsyon ngunit agad din nilinaw ni Lacson na hindi niya inihihirit ang pakikidigma.

Paliwanag nito sa MDT ay maaring maramdaman ng China na may balanse pa rin ng kapangyarihan sa West Philippine Sea.

Giit pa ni Lacson, mismong si US Secretary of State Mike Pompeo na ang nagsabi na sa ilalim ng naturang kasunduan may obligasyon ang Amerika at Pilipinas na gumawa ng hakbang sakaling may pag-atake sa sasakyang- pandagat ng dalawang bansa sa West Philippine Sea.

Sa pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy sa Sangley Point, Cavite City, binasag ni Pangulong Duterte ang ilang araw niyang pananahimik ukol sa insidente at sa kanyang pahayag ay tila kinatigan niya ang sinabi ng Chinese Foreign Ministry na aksidente sa karagatan ang nangyari.(JE)

 

TAGS: mutual defense treaty, Philippine Navy sa Sangley Point, Senator Panfilo Lacson, West Philippine Sea, mutual defense treaty, Philippine Navy sa Sangley Point, Senator Panfilo Lacson, West Philippine Sea

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.