Vietnamese crew na sumagip sa mga mangingisda sa Recto bank ipatatawag ng gobyerno ng Pilipinas.
Bukod kay Chinese Ambassador Zhao Jianhua, balak din ng pamahalaan ng Pilipinas na ipatawag ang Vietnamese crew na sumagip sa mga Pilipinong mangingisda na nagpalutang-lutang sa dagat matapos banggain ang sinasakyang bangka ng Chinese fishing vessel sa Recto Bank.
Sa panayam kay Defense Secretary Delfin Lorenzana sa anibersaryo ng Philippine Navy sa Sangley Point sa Cavite, sinabi nito na ito ang kanilang napagkasunduan matapos ang ipinatawag na Economic Development and Security, Justice, and Peace clusters meeting sa Malacañang.
Ayon kay Lorenzana, nais ng pamahalaan ng Pilipinas na marinig ang testimonya ng Vietnamese crew. Bahagi aniya ng imbestigasyon na marinig ang lahat ng panig ng kwento ukol sa Recto Bank incident.
Gayunman, aminado si Lorenzana na maaring hindi makatulong ang Vietnamese sa paglilinaw sa aktuwal na insidente dahil nasa malayong bahagi sila ng karagatan nang nangyari ang insidente.
Sa inisyal na pagsisiyasat, sinasabing nasa four nautical miles ang layo ng mga Vietnamese sa pinangyarihan ng insidente.
Ginamit aniya ng mga mangingisda ang maliit nilang bangka para marating ang barko ng mga Vietnamese at makahingi ng tulong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.