Duterte inamin na hindi niya matutupad ang pangakong puksain ang kurapsyon

By Len Montaño June 17, 2019 - 11:27 PM

Sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na maghanap na isa pang Marcos kasabay nang pag-amin na hindi niya malalabanan ang kurapsyon batay lang sa kapangyarihan niya sa ilalim ng Konstitusyon.

Sa kanyang talumpati sa 121st anniversary ng Philippine Navy sa Sangley Point, Cavite araw ng Lunes, nagreklamo ang Pangulo sa talamak na katiwalian sa gobyerno.

Ayon kay Duterte, hindi niya matutupad ang kanyang pangako na matanggal ang kurapsyon kahit pangulo pa siya ng hanggang 20 taon.

“Totoo, sabihin ko nagsisi ako kasi akala ko within the Constitutional powers na ibinigay sa akin, kaya ko. But truth to tell, kung araw-araw na lang pati every table dito sa Pilipinas ganoon, hindi ko talaga mahabol,” ani Duterte.

“Kaya ko. Pero sa batas na ito, Constitution, (I can do it but with this Constitution) even if you give me 20 years I cannot do it. Maghanap uli kayo ng Marcos (Find another Marcos). Or someday, somehow, somewhere that fellow will be elected in the generations to come,” dagdag ng Pangulo.

Dagdag ng Pangulo, dahil sa problema sa red tape at katiwalian sa pamahalaan ay hindi magtatagumpay ang Pilipinas partikular sa ekonomiya nito.

Matatandaan na ilang opisyal na ng gobyerno ang sinibak sa pwesto ng Pangulo dahil sa alegasyon ng kurapsyon.

Pero binatikos din si Duterte dahil sa umanoy pag “recycle” o muling pagtalaga ng sinibak na opisyal sa ibang pwesto sa gobyerno.

 

TAGS: hindi matutupad, Katiwalian, kurapsyon, Marcos, pangako, philippine navy, recycle, Rodrigo Duterte, sangley point, hindi matutupad, Katiwalian, kurapsyon, Marcos, pangako, philippine navy, recycle, Rodrigo Duterte, sangley point

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.