Recto Bank incident, maliit na maritime accident lamang – Pangulong Duterte

Photo grab from PCOO’s Facebook live video

Sangley Point, Cavite City – Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa insidente sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS) kung saan binangga ng Chinese fishing vessel ang bangka ng mga Filipinong mangingisda.

Sa talumpati sa ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy sa Cavite, sinabi ng pangulo na mayroong isang national official na humihimok sa kaniya na ipadala ang warships o mga barkong pandigma ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Hindi naman pinangalanan ng pangulo ang nasabing opisyal.

Ayon sa pangulo, kung siya lang ang papipiliin ay gusto niya ng aksyon.

Ngunit ayon sa pangulo, hindi na siya ngayon nasa boyhood image at mayroon siyang mga responsibilidad na nakaatang sa kaniyang mga balikat kung kaya kinakailangan niyang maging maingat sa mga hakbang na gagawin.

Dagdag pa ng pangulo, ang nangyari sa Recto Bank ay isang maliit na maritime accident lamang.

“Pero ‘yang nangyari diyan sa banggaan, that is a maritime incident,” pahayag ni Duterte.

Hinimok din ng pangulo na huwag maniwala sa mga pulitiko na aniya’y “bobo” na gustong papuntahin ang navy ship sa West Philippine Sea.

Paliwanag ng pangulo, hindi dapat magpadala ng navy ship para lamang sa isang simpleng banggaan ng barko.

“Huwag kayong maniwala sa mga politiko na bobo, gusto papuntahin yung Navy. You do not send gray ships there. Banggaan lang ng barko ‘yan, do not make it worse,” ayon sa pangulo.

Mas makabubuti rin aniyang hintaying matapos ang imbestigasyon at marinig ang panig ng iba’t ibang partido.

“Maritime incident is a maritime incident. It is best investigated. And I do not now issue statement because there is no investigation and there is no result. Then the only thing we can do is to wait and give the other party the right to be heard. Importante ‘yan, eh,” sinabi pa ng pangulo.

Dagdag pa ng pangulo, hindi siya isang “gago” na presidente na hahayaang mamatay ang mga Filipino kapag nakipag-giyera sa China.

Kung mamamatay man ang mga Filipino, dapat aniyang mamatay nang mayroong dignidad.

“Dalawang bangka lang ‘yan. Now you go there and create a tension. I said, hindi ako gago na presidente na papayag noon. If we have to die, we must have to die in the correct way and to die with dignity. Hindi yung basta bangga ka nang ka-bangga diyan,” ani Pangulong Duterte.

Hinimok din ng Punong Ehekutibo ang Philippine Navy at iba pang tropa ng pamahalaan na kumalma ukol sa insidente.

“Stay out of trouble. Just build on our own. ‘Wag muna tayong makialam. Do not allow a little maritime acciddent, or intentional, Pahinga ka muna. Pahinga muna kayo,” pahayag pa ng pangulo.

Read more...