Ayon kay Biazon, nakasaad sa SOLAS na obligado ang mga kapitan ng sasakyang pandagat na tulungan ang mga distressed vessels o bangka.
Sa kaso aniya ng Chinese vessel sa Recto Bank, ito mismo ang nagdulot ng distress sa naka-angklang bangka ng 22 mangingisdang Pinoy at ang masaklap ay inabandona pa sila.
Ang paglabag sa SOLAS ay malinaw na anyang basehan para masabing sinadya talaga ang pagbangga ng vessel sa bangka.
Paliwanag pa ni Biazon, dito na masusukat ang sinseridad ng China sa malayang paglalayag sa international waters dahil kung kukunsintihin nila ang inasal ng Chinese crew ay matatawag na itong panggigipit sa mga kapitbahay na bansa.
Inihalintulad naman ng kongresista sa motoristang naka-hit and run sa kalsada ang palusot ng Chinese government na natakot silang kuyugin ng mga nakapaligid sa kanila.