Economic reform laws isusulong ni Sen. Gatchalian sa 18th Congress
Desidido si Senator Sherwin Gatchalian na isulong sa pagbubukas ng 18th Congress ang mga panukala na magiging daan para makasabay ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa ibang bansa sa Southeast Asia.
Pinansin ni Gatchalian ang halos 14 porsiyentong pagbaba sa foreign direct investment o FDI sa bansa noong nakaraang Marso, na pinakamababa sa nakalipas na apat na buwan base sa datos ng Bangko Sentral.
Samantala, sa pagbuhos ng $149 billion na halaga ng foreign investments sa Southeast Asia noong nakaraang taon, tanging sa Pilipinas at Malaysia lang ang bumaba ang pamumuhunan ng mga banyaga.
Sinabi ng namumuno sa Senate Committee on Economic kailangan na ng ibayong reporma sa ilang polisiyang pang-ekonomiya sa bansa para bumuhos ang foreign investments.
Banggit pa nito, noong nakaraang 17th Congress may mga panukala, tulad ng pag-amyenda sa Foreign Investments Act of 1991, ang Public Service Act, at at Retail Liberalization Act, silang isinulong sa Senado ngunit hindi nakalusot.
Ayon kay Gatchalian kailangan na mabago na ang mga economic policies para makahikayat ng mga foreign investors na magsisimula ng negosyo sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.