Kisses Delavin, kinumpirma ang pagkabuwag ng DonKiss love team
Nagsalita na ang aktres na si Kisses Delavin hinggil sa totoong estado ng kanilang love team ng on-screen partner na si Donny Pangilinan.
Sa Instagram, ibinahagi ni Kisses ang kaniyang pahayag para linawin sa mga tagahanga ang pagkakabuwag ng DonKiss love team.
Bago nagpaliwanag, humingi muna ng paumanhin ang aktres sa social media blackout at sinabing naniniwala siyang may karapatan ang kaniyang mga fans na malaman ang estado ng DonKiss love team.
Aniya, nakarating sa kaniya ang balita sa plano ng DonKiss supporters na magpulong sa tanggapan ng ABS-CBN para iapela ang muling pagtatambal nina Kisses at Donny.
Hinikayat din aniya siya ng ilan sa kaniyang mga fans para makiisa o suportahan ang kanilang apela.
Ngunit, matapang na sinabi ng aktres na hindi siya sang-ayon sa balak na fandom war ng DonKiss supporters laban sa bagong binubuong love team kasama si Donny.
Giit ni Kisses, hindi niya hahayaang mapasama sa sitwasyon kung saan dalawang babae ang mahihirapan para lamang magwagi na makapareha ang sinuman.
Gayunman, sinabi ni Kisses na ramdam niya ang saloobin ng DonKiss supporters para ipaglaban ang kanilang tambalan.
Huling nagkasama sina Kisses at Donny bilang magkapareha sa ABS-CBN television series na “Playhouse” kasama sina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.