P100M ari-arian ng KAPA, nakalap ng SEC
Umabot na sa halos P100,000,000 halaga ng ari-arian mula sa Kapa Community Ministry International Inc. ang nakuha ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa inilabas ng pahayag ng ahensya, ang pagkalap sa mga ari-arian ay sinundan ng isang asset freeze order na inisyu ng Court of Appeals noong June 4.
Ayon sa SEC, naniniwala silang milyong katao ang nauto ng samahan na magbigay ng pera sa naturang invesment scam na nagtatago sa mga relihiyosong aktibidad.
Mayroon na anilang mahigit P100,000,000 na nai-freeze ang ilang banko kung saan mayroong mga investment policies, cryptocurrency holdings, ang iba pa na konektado sa Kapa.
Sinabi ni SEC chairman Emilio Aquino, hindi nila mahihintay na gumuho ang investment scheme at ang mga investors ang mahirapan bago sila umaksyon.
Nai-freeze ang mga ari-arian ng Kapa dahil nakakuha rin ang SEC ng freeze order mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Dagdag ni Aquino, ipinapakita sa mga pampublikong dokumento na mayroong siyam na mamahaling sasakyan, helicopter, at iba pang gamit na nakapangalan sa Kapa at sa mga opisyal nito.
Ang Kapa din aniya ay sinasabing mayroong nakuhang ospital, isang paaralan at iba pang properties.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) patungkol sa isyu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.