LTFRB pinalawig ang suspensyon ng implementasyon ng P2P operation para sa UV express
Pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang suspensyon sa pagpapatupad ng point to point (P2P) operation para sa UV express.
Naglabas ang LTFRB ng “indefinite suspension” kaugnay ng implementasyon ng naturang memorandum.
Ito ay matapos na magpetisyon ang Stop and Go Coalition at ibang transport groups na maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) laban sa utos ng ahensya.
Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra, magsasagawa pa sila ng dagdag na konsultasyon sa kaukulang stakeholders.
Una nang inireklamo ng mga transport at commuter groups na hindi nagsagawa ang LTFRB ng public consultation bago ilabas ang Memorandum Circular 2019-25.
Sinabi naman ni Delgra na nagkaroon sila ng dayalogo sa mga kinatawan ng iba’t ibang transport groups kabilang ang Stop and Go Coalition noong June 6.
Pero dagdag nito, mas mabuting isama ang mga operator at driver ng mga jeepney at bus sa susunod na konsultasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.