China itinangging may ‘hit and run’ sa insidente sa Recto Bank
Itinanggi ng China na binangga ng isang Chinese fishing vessel ang bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank sa bahagi ng West Philippine Sea.
Sa pahayag ng Chinese Embassy in Manila, hindi umano inabanduna kundi sinubukan pa raw ng kapitan ng barko ng China na iligtas ang mga mangingisdang Pinoy.
“The Chinese captain tried to rescue the Filipino fishermen, but was afraid of being besieged by other Filipino boats. Therefore, having confirmed the fishermen from the Filipino boat were rescued on board by other Filipino fishing boats, 42212 sailed away from the scene,” pahayag ng Chinese Embassy in Manila.
Ayon pa sa embahada, ang Chinese fishing boat Yuemaobinyu 42212 ay nasa bahagi ng Reed Bank nang ito ay bigla umanong lapitan ng pito hanggang walong bangkang pangisda ng mga Pinoy.
“During evacuation, 42212 failed to shun a Filipino fishing boat and its steel cable on the lightning grid of larboard bumped into the Filipino pilothouse. The Filipino fishing boat tilted and its stern foundered,” ayon sa pahayag base sa preliminary investigation.
Nakumpirma umano sa imbestigasyon na nailigtas na ng ibang barko ang mga mangingisdang Pilipino kaya umalis na sa lugar ang Chinese fishing vessel.
Dagdag ng embahada, seryoso at responsable ang paghawak ng Beijing sa isyu at nananatili ang komunikasyon ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng diplomatikong paraan.
Una nang minaliit ng China ang insidente at sinabing isa lamang ordinaryong insidente sa dagat ang nangyari.
Ang pahayag na ito ng Chinese Embassy in Manila ay taliwas sa kwento ng mga mangingisdang Pinoy na binangga ng barko ng China ang kanilang bangka kaya ito lumubog.
Nanindigan ang 22 mangingisda na iniwan at pinabayaan sila ng barko ng China na lumutang sa karagatan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.