Makalipas ang halos walong taon na paglilitis, pinawalang-sala ng korte ang lahat ng mga akusado sa pagpatay sa aktor na si Ramgen Revilla.
Sa desisyon ni Paranaque RTC Branch 274 Judge Beetlee Ian Barraquias, sinabi nito na walang naiprisintang matibay na ebidensiya para mahatulan sa kasong frustrated murder at murder ang mga akusado.
Kasama sa mga napawalang sala ang kapatid ni Ramgen na si Ramon Joseph Bautista at 4 na iba pa.
Samantala, ipinag-utos naman ng korte ang pagpapalabas ng alias warrant of arrest laban kay Ramona Bautista, na isa pang kapatid ni Ramgen at kabilang din sa mga akusado.
Nananatiling at-large si Ramona Bautista mula nang mangyari ang insidente.
Magugunita na binaril at pinagsasaksak si Ramgen sa bahay nito sa BF Homes Paranaque noong October 28, 2011.
Nasugatan din ang noon ang girlfriend nito na si Janelle Manahan.
Ipinag-utos na ng korte ang agarang pagpapalaya mula sa kulangan ng mga napawalang-sala sa kaso.
Si Ramgen, Joseph at Ramona ay pawang anak ng beteranong aktor at dating Sen. Ramon Revilla Sr.