Comelec pinakikilos sa umano’y dayaan na naganap sa eleksyon sa Lanao del Sur
Nababahala ang apat na kandidatong gobernador sa Lanao del Sur na tuluyang mabalewala ang isinampa nilang kaso sa Commission on Elections (Comelec) sa sandaling magsimula na manungkulan ang mga prinoklamang nanalo sa nasabing lalawigan.
Sa forum ng National Press Club, personal na umapela sa Comelec si dating TESDA General Guiling Mamondiong na desisyunan na ang inihain nilang election protest laban sa iprinoklamang gobernador na si Mamintal “Bombit” Adiong.
Nabatid na noong June 12 ay nagsagawa ng pagdinig ang Comelec sa petisyon ng grupo ni Mamondiong ngunit hindi natuloy at muling itinakda ang paglilitis sa usapin sa July 2 bilang tugon sa kahilingan ng kampo ni Adiong na bigyan sila ng sapat na panahon upang mabusisi ng abogadong si Atty. Romulo Macalintal ang mga testimonya at ebidensiyang iniharap ng mga nagprotesta.
Ayon naman kay Mamondiong, malinaw sa mga iniharap nilang ebidensiya, mga dokumento at testimonya ng mga tumayong saksi ang malawak na dayaan, pamimili ng mga boto at pre-shading ng mga balota.
Muling hiniling sa Comelec na idiskwalipika ang kanyang kalaban, baliktarin ang proklamasyon, magdeklara ng failure of election at magtakda ng special election sa kanilang probinsiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.