NBI at COA pinatutulong sa paghahanap ng ebidensya may kaugnayan sa dialysis scam
Hinimok ni House Assistant Majority Leader at Biñan City Rep. Marlyn Alonte-Naguiat na magtulungan ang National Bureau of Investigation (NBI) at Commission on Audit (COA) upang mapabilis ang pagkalap ng ebidensiya at matukoy agad kung sino ang nasa likod ng anomalya sa Philhealth at Wellmed kaugnay sa “Ghost” Dialysis claims.
Ayon kay Alonte-Naguiat, dapat magsagawa ng statistical analysis ng mga naprosesong claims ang NBI gayundin ang paghingi nito ng tulong mula sa COA upang magsagawa ng quick special audit upang masilip kung may kaduda-duda bang pattern, at statistical anomalies sa PhilHealth records.
Kailangan din anyang matukoy kung may kasabwat ba ang Dialysis Center sa ahensiya ng pamahalaan at kung modus din ba ito sa ibang clinic at ospital.
Bukod dito, pinabubuo ng mambabatas ang COA ng special audit team para silipin ang records ng Philhealth at Wellmed Dialysis Center.
Nangangamba kasi ang kongresista na madaling sirain ang mga records sa Philhealth kaya dapat magmadali ang dalawang ahensiya ng pamahalaan.
Kinalampag din ng kongresista ang COA kung bakit hanggang sa ngayon ay hindi pa inilalabas ang annual audit report ng DOH para sa 20018 dahil ang available pa lamang na annual report ay para sa 2017.
Hinimok din niya si Health Secretary Francisco Duque na suspendihin muna ang operasyon ng naturang dialysis center habang ang mga pasyente nito ay ilipat sa national kidney and transplant institute.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.