Ayon sa Twitter post ni Mahar Lagmay, executive director ng Project Nationwide Operational Assessment of Hazards o ‘Noah’, sa kasalukuyan nasa 9.34 meters na ang taas ng Pampanga River (La Fuente Sta Rosa St.).
Patuloy pa aniyang tumataas ang lebel ng tubig sa naturang ilog dahil sa pagbaba ng tubig-ulan mula sa kabundukan.
Dahil dito, asahan aniya ng mga residente ng Pampanga at Bulacan ang posibilidad na magkaroon ng mga pagbaha na maihahambing sa naganap nang dumaan sa bansa ang bagyong Lando noong October.
Nang tumama ang bagyong Lando, partikular na naapektuhan ang mga lugar ng Hagonoy, Calumpit sa Bulacan at San Luis, Apalit at Candaba sa Pampanga.
Ang project NOAH ay proyekto ng Department of Science and Technology na nagsasaliksik gamit ang siyensya upang mabigyan ng maagang babala ang mga residenteng nakatira sa mga lugar na malimit tinatamaan ng pagbaha.