Duterte walang pahayag sa banggaan sa West Philippine Sea

By Rhommel Balasbas June 14, 2019 - 03:18 AM

Tikom pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa nangyaring pagbangga ng umano’y Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Filipino sa West Philippine Sea.

Ito ay kahit tatlong beses nang nagbigay ng talumpati ang presidente sa magkakaibang programa mula noong Miyerkules, June 12, na kaparehong araw kung kailan isiniwalat ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang insidente.

Ilang oras matapos ang pahayag ni Lorenzana noong Miyerkules, ay nagbigay ng talumpati si Duterte sa Philippine Independence Day ceremony sa Malabang, Lanao del Sur.

Miyerkules din gabi ay may talumpati ang presidente sa oath-taking ng elected officials sa Cagayan de Oro.

Kagabi naman sa General Santos City, tinalakay ng pangulo ang ilang mga isyung kinahaharap ng bansa kabilang na ang tungkol sa Kapa, mga basura mula sa Canada at mga rebelde ngunit hindi nabanggit ang banggaan.

Nauna nang sinabi ni Senator-elect Christopher “Bong” Go na ipinaalam na ni Lorenzana sa pangulo ang insidente noon pang Miyerkules habang sila ay nasa Lanao del Sur.

Sinabi rin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na galit na galit ang pangulo nang malaman ang insidente.

Dalawampu’t dalawang mangingisdang Pinoy ang hinayaang magpalutang-lutang sa dagat ng nakabangga sa kanila ngunit nasagip sila ng isang Vietnamese vessel.

Ang insidente ay naganap sa Recto Bank na bahagi ng West Philippine Sea na parte naman ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

 

TAGS: banggaan, bangkang pangisda, Chinese vessel, Defense Secretary Delfin Lorenzana, EEZ, pahayag, Presidential Spokesperson Salvador Panelo, Recto Bank, Rodrigo Duterte, talumpati, tikom, vietnamese vessel, walang pahayag, West Philippine Sea, banggaan, bangkang pangisda, Chinese vessel, Defense Secretary Delfin Lorenzana, EEZ, pahayag, Presidential Spokesperson Salvador Panelo, Recto Bank, Rodrigo Duterte, talumpati, tikom, vietnamese vessel, walang pahayag, West Philippine Sea

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.