Lorenzana: Pilipinas iniimbestigahan pa kung Chinese vessel nga ang bumangga sa bangkang pangisda ng mga Pinoy

Hindi na sigurado si Defense Sec. Delfin Lorenzana kung Chinese vessel talaga ang bumangga sa bangkang pangisda ng mga Filipino sa Recto Bank.

Ito ay matapos kondenahin ng kalihim noong Miyerkules sa pinakamatapang na antas ang ginawa ng Chinese vessel at ng crew nito laban sa mga mangingisdang Filipino.

Sa panayam ng media sa General Santos City araw ng Huwebes, sinabi ni Lorenzana na ang kanyang naunang pahayag ay batay lamang sa mga pahayag ng mga mangingisda.

Anya, iimbestigahan pa ng Western Command at Philippine Coast Guard kung talagang Chinese vessel nga ang sangkot sa aksidente.

“We are only basing our report to the media on the statement of the fishermen kasi hating gabi nangyari eh, madilim. Although sila may ilaw, ‘di naman pwedeng mawalan sila ng ilaw,” ani Lorenzana.

Ayon sa kalihim, maglulunsad na rin ng imbestigasyon ang China hinggil sa insidente.

Sa mensahe naman sa INQUIRER.net sinabi ni Western Command chief Vice Adm. Rene Medina na matagal nang nangingisda ang mga Filipino sa naturang lugar.

Kaya’t kilala anya ng mga ito kung sino ang mga bumangga sa kanila.

“Ang source namin ay ang mga fishermen mismo at sa tagal na nilang nangingisda sa area at palagi nila nakikita ang ibang mangingisda ng China, Vietnam kaya kilala na nila kung sino ang bumabangga sa kanila,” ani Medina.

 

Read more...