Pacquiao, kinausap si Duterte sa pagpili sa pambato ng PDP-Laban sa pagka-House Speaker

Bong Go photo

Nakausap na ni Sen. Manny Pacquiao si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pipiliing pambato ng PDP-Laban sa House Speakership race.

Naganap ang pulong sa pagitan ni Pacquiao at ng presidente Huwebes ng gabi sa General Santos City.

Sa larawang ipinadala ni Senator-elect Christopher “Bong” Go, makikita ang dalawa na nag-uusap sa runway ng General Santos City airport bago sumakay ng eroplano ang presidente.

Magugunitang tatlo ang pinagpipilian ng PDP-Laban na sina Pampanga Rep. Aurelio Gonzales, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at dating House Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.

Nauna nang sinabi ni Pacquiao na posibleng ngayong araw ng Biyernes na ianunsyo ang pambato ng PDP-Laban.

Pero ayon kay Go babalikan pa ng pangulo si Pacquiao sa mga susunod na araw para makausap ito.

Si Pacquiao ang itinalaga ni PDP-Laban President at Sen. Koko Pimentel na mag-anunsyo ng official nominee ng partido.

 

Read more...