5,000 mga baril nakumpiska ng PNP kaugnay sa election gun ban

Inquirer file photo

Umabot sa kabuuang 5,304 na baril ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa pag-iral ng election gun ban.

Ayon kay Police Col. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, ang mga nakumpiskang armas ay resulta ng 838,133 na checkpoint at police operations sa panahon ng eleksyon.

Nagsimula ang election period noong January 13 at natapos sa araw ng Miyerkules (June 12).

Ayon pa kay Banac, nasa 6 thousand 362 katao ang naaresto dahil sa illegal possession of firearms and explosives at ilang election-related offenses.

Aabot naman sa 50,386 na deadly weapons tulad ng matatalim na bagay, bala at pampasabog ang narekober sa nasabing panahon.

Ani Banac, ang mga armas ay nasa kustosiya ng pulisya at gagamitin bilang ebidensya sa mga naaresto.

Samantala, sa pagtatapos ng gun ban, nagpaalala si Banac na maaari na muling magdala ang mga may-ari ng lisensyadong armas sa labas ng kanilang bahay.

Nakabalik na rin aniya ang kanilang hanay sa regular checkpoint operations.

Dagdag ni Banac, ang nagdaang May 13 midterm polls ay isa sa pinakapayapang eleksyon sa bansa.

Read more...