Isasailalim ng motorcycle ride-hailing firm na Angkas ang kanilang labing-limang libong driver sa pagsasanay bago ang pagsisimula ng test run para sa kanilang motorcycle taxi service.
Sa press conference sa Maynila, sinabi ni David Medrana, head of operations ng Angkas, nasa kabuuang dalawampu’t pitong libong driver ang kinakailangan isailalim sa re-traning bago ang pilot test run.
Sa ngayon, mayroon na aniyang labing-dalawang libong drayber ang dumaan sa pagsasanay.
Nakatutok ang re-training ng mga drayber sa safety guidelines para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Ayon kay George Royeca, head of regulatory and public affairs ng Angkas, nasa dalawang libong drayber ang sumasailalim sa training kada araw.
Inaasahan aniyang magsisimula ang kanilang pilot test run sa ikatlo o huling linggo ng Hunyo.
Matatandaang inaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang pilot operations ng mga motorcycle taxi sa Metro Manila at Cebu simula sa Hunyo.
Tatagal ang pilot test run ng mga motorcycle taxi nang anim na buwan.