Joint patrols dapat isagawa sa West Philippine Sea – Rep. Zarate

Hinimok ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang pamahalaan na magsagawa ng joint patrols sa West Philippine Sea matapos mabangga ng isang Chinese vessel ang fishing boat ng mga Pinoy sa Recto Bank noong June 9.

Ayon kay Zarate, kailangang maramdaman ang presensya ng coast guard sa pinag-aagawang teritoryo upang maprotektahan ang mga mangingisda.

Maaari rin aniyang makipagtulungan sa Vietnam, Malaysia at iba pang claimant countries para sa joint patrols upang mapigilan ang agresibong hakbang ng China.

Muli namang ipinanawagan ng kongresista ang pag-withdraw sa mga naglalayag na militar o anumang armed ships sa rehiyon.

Samantala, kinondena ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago ang mabagal na pagresponde ng gobyerno sa dalawampu’t dalawang mangingisdang sakay ng lumubog na bangka.

Kasabay nito ay pinasalamatan ni Elago ang Vietnam sa agarang pag-rescue at iginiit na kailangang panagutin ang China sa insidente.

Read more...