Sa talumpati sa paggunita sa ika-121 Araw ng Kalayaan sa Malabang, Lanao del Sur, sinabi ng pangulo na ngayong epektibo na ang Bangsamoro Organic Law (BOL) ay maaari nang samantalahin ng mga Moro ang paggamit sa kanilang mga likas na yaman kabilang ang Liguasan Marsh.
“Now that you have the BOL, I guarantee you exploit your resources. Madaliin na ninyo. Ang sabi ninyong Liguasan Marsh walang makialam niyan, inyo ‘yan. That was my commitment to you,” ayon sa pangulo.
Giit ni Duterte, walang makikialam sa mga Moro sa paglinang sa Liguasan Marsh ngunit pwede namang magbahagi ang mga ito sa kanilang kapwa.
“Ang sinasabi ko, walang distorbo, unbridled, walang molestya. You have the place already. It was surrendered to you, it was given to you as a brotherly act of all Filipinos. Take advantage of it and hurry up the progress of the place,” giit ng presidente.
Sakali anyang walang pera ang mga Moro ay dapat humanap ang mga ito ng partners para sa exploration sa Liguasan Marsh.
Makailang beses nang sinabi ng pangulo na hindi papakialaman ng gobyerno ang sinasabing oil reserves sa nasabing teritoryo.
Noon pang 2008 isiniwalat ni Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari ang posibleng maitutulong sa ekonomiya ng oil reserves sa Liguasan marsh.
Ang Liguasan Marsh na may lawak na 220,000 ektarya at nasa pagitan ng North Cotabato, Sultan Kudarat at Maguindanao.