Sa ribbon-cutting ceremony ng taunang Independence Day job fair sa Maynila, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ito ay dahil sa bumababang bilang ng mga nurse na nagtatrabaho sa bansa.
Sa pulong kasama ang mga opisyal ng Philippine Nurses Association (PNA), umapela umano ang grupo na limitahan ang deployment ng mga nurse abroad.
Ipinaliwanag ni Bello na kailangan din ng mga nurse sa bansa lalo na para sa kondisyon ng mga senior citizen.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na pag-aaralan ng ahensya ang pagtaas ng sweldo ng mga nurse para hindi na magnais na magtrabaho sa ibang bansa.
Inihayag aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng dagdag-sahod ang mga nurse, guro at iba pang nasa gobyerno.
Ani Bello, irerekomenda ang plano sa tulong ng Department of Budget and Management (DBM).
Samantala, umapela naman si Bello sa pamunuan ng mga ospital na huwag pagsamantalahan ang mga nurse.
Sa halip kasi na ibigay ang karapat-dapat na sweldo, pinagbabayad pa aniya ng ilang ospital ang mga nurse ng training fee.