PNP sa publiko: Kilalanin ang mga modernong bayani
Hinikayat ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Oscar Albayalde ang publiko na bigyang-pagkilala ang mga aniya’y ‘modern heroes’ kasabay ng pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, June 12.
Sa inilabas na pahayag, ipinarating ni Albayalde na hindi lamang ang kagitingan at katapangan ng mga bayaning lumaban para makamit ang kasarinlan ng bansa ang dapat ipagbunyi.
Aniya, dapat ding kilalanin ang mga makabagong bayani na patuloy na nagsisilbi para sa kaligtasan, kaayusan at kaunlaran ng Pilipinas.
Kabilang aniya rito ang mga sundalo, bumbero, guro, magsasaka, metro aide at iba pang nagsasakripisyo para makapagbigay nang maayos na pamumuhay sa sambayanang Filipino.
Kasabay nito, umapela ang PNP chief sa mga pulis na ipagpatuloy ang pananatili ng kaayusan sa bawat komunidad sa bansa.
Tiniyak din ni Albayalde sa publiko ang pagpapatuloy sa mandato ng kanilang hanay na labanan ang problemang dulot ng krimen at ilegal na droga.
Nasa 6,000 pulis ang dumalo sa selebrasyon ng PNP sa Camp Crame sa Quezon City. / Angellic Jordan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.