Laban sa kahirapan kinakaharap ng bansa ngayon ayon kay Speaker GMA

Mula sa pakikipaglaban sa kalayaan sa mga dayuhan ng ating mga ninuno ang paglaban na sa kahirapan ang kinakaharap ng kasalukuyang henerasyon.

Ito ang buod ng talumpati ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan.

Sinabi nito na noong pangulo pa siya ng bansa ay matindi ang paglaban ng kaniyang administrasyon sa kahirapan kung saan mula sa 39 na antas ng kahirapan noong 2001 ay bumaba ito sa 26 na bahagdan noong 2010 kung kailan natapos ang kanyang termino.

Ngayon anyang kasalukuyang administrasyon ay nais itong ibaba sa 14 na porsyento bago matapos ang panunungkulan ni Pangulong Duterte sa 2022.

Paliwanag ni Speaker GMA, kapag nangyari ito sa administrasyong Duterte mararanasan ng Pilipinas ang 25 bahagdang pagbaba ng kahirapan sa loob ng 20 taon.

Ipinagmalaki naman nito na ang paggunita ng bansa Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12 ay dahil sa inisyatibo ng kanyang ama na si dating pangulong Diosdado Macapagal na naglabas ng Executive Order noong 1962 para sa paglilipat ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Inilipat anya ang petsa mula sa dating Hulyo 4 dahil ito ay araw ng kalayaan ng Amerika na isa sa nanakop sa bansa kaya parang nakatali pa rin ang Pilipinas sa kamay ng mananakop.

Sinasabing ika-12 ng Hunyo, taong 1898 nang ihayag ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite ang kalayaan ng bansa mula sa mga mananakop.

Read more...