May tema ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong taon na Kalayaan 2019: Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan.
Ayon sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggunita sa Araw ng Kalayaan sa programang isasagawa sa 6th Infantry Battalion Headquarters, Barangay Matling, Malabang, Lanao del Sur, mamayang alas-2:00 ng hapon.
Sabayang flag-raising at wreath-laying ceremonies naman ang isasagawa alas-8:00 ng umaga sa walong lugar sa bansa.
Ang Independence Day rites sa Maynila ay pangungunahan ni Vice President Leni Robredo habang si Education Secretary Leonor Briones ang mangunguna sa Liberty Shrine, Lapu-Lapu City, Cebu.
Narito ang ilan pang lugar na paggaganapan ng Araw ng Kalayaan rites ngayong alas-8:00 ng umaga:
- Barasoain Church Historical Landmark, Malolos, Bulacan
- Bonifacio National Monument, Caloocan City
- Emilio Aguinaldo Shrine, Kawit, Cavite
- Pinaglabanan Memorial Shrine, San Juan City
- Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion, North Cemetery, Manila
- Pamintuan Mansion, Angeles City, Pampanga
Samantala, maraming programa rin ang isasagawa ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Araw ng Kalayaan Job Fair na aarangkada sa 22 lugar sa bansa mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Mayroon ding libreng medical, dental, optical services ang Department of Health (DOH) mula alas-7:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon sa Rizal Visitors Center, Rotonda sa Rizal Park.