Naghahanda na ng kaukulang mga reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga opisyal ng KAPA Community Ministry International.
Ito ay matapos ang serye ng raids na isinagawa ng NBI sa 14 opisina ng Kapa.
Ayon kay NBI Deputy Director for Regional Operation Service Antonio Pagatpat, sinalakay ng NBI teams ang mga opisina ng Kapa sa Tatay, Rizal; San Geronimo, Bagabag, Nueva Viscaya; Compostela at Cebu.
Nagsagawa ng raids ang NBI sa bisa ng search warrants na inilabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 20 dahil sa umano’y paglabag ng Kapa sa Sections 8 at 26 ng Securities Corporation Code of the Philippines.
Isiniwalat ni Pagatpat ang pagkakasabat ng NBI sa mga dokumento, records at mga kagamitan sa mga tanggapan ng Kapa.
Ipinapakita umano sa isang dokumento na umaabot sa P100 milyon kada araw ang nakukubra ng mga namumuno ng Kapa sa mga nag-iinvest sa kanila.
Nakumpiska din ang P2.2 milyon at P300,000 na pera sa dalawang opisina ng Kapa.
Posible umanong sampahan ng large scale estafa ang mga nasa likod ng investment scam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.