PNP: Erwin Tulfo isasauli na ang kanyang mga armas
Nakipag-ugnayan na ang brodkaster na si Erwin Tulfo sa Philippine National Police (PNP) para sa pagsuko sa kanyang mga armas.
Magugunitang noong Lunes, nagbabala si PNP chief Gen. Oscar Albayalde na may gagawin silang kaukulang aksyon sakaling hindi isuko ni Tulfo ang kanyang mga baril dahil napaso na ang kanyang license to own and possess firearms (LTOPF) noon pang Mayo.
Sa pulong balitaan araw ng Martes, sinabi ni PNP spokesman Col. Bernard Banac na isang kinatawan ni Tulfo ang nakipag-ugnayan sa Firearms and Explosives Office (FEO) para sa pagsasauli ng mga armas.
“Nakipag-ugnayan ang kampo ni Erwin Tulfo sa pamunuan ng FEO,” ani Banac.
Ayon naman kay FEO director Gen. Valeriano de Leon, isusuko ni Tulfo ang kanyang mga armas kapag nakabalik na ito ng bansa.
Sa ngayon anya ay nasa abroad ang mamamahayag para daluhan ang kasal ng isa sa kanyang mga anak.
Sakaling hindi isuko ni Tulfo ang mga baril ay magsisilbi ng search warrant ang pulisya ayon kay Banac.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.