EO sa decongestion sa Metro Manila ilalabas ni Duterte
Ikinakasa na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order para sa pagbibigay ng insentibo sa mga negosyo sa labas ng Metro Manila.
Ito ay para ma-decongest ang Metro Manila at bilang paghahanda na rin sa “the big one” o ang posibleng pagtama ng 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, inilatag sa cabinet meeting Lunes ng gabi ng cabinet cluster on climate change, adaptation, mitigation and disaster risk reduction ang naturang plano kay Pangulong Duterte.
Ayon kay Panelo, ilalabas ng pangulo ang naturang EO sa lalong madaling panahon.
Gayunman, hindi na tinukoy ni Panelo kung anong partikular na insentibo ang ipagkakaloob ng Malakanyang sa mga negosyante na maglalagak ng negosyo sa labas ng Metro Manila.
Bukod sa incentives, nirerekomenda rin ng ilang cabinet members ang pagtatatag ng Department of Resiliency at ang pagpapasumite sa lahat ng ahensya ng public service continuity plans bilang paghahanda sa malakas na lindol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.