9 patay sa pag-araro ng trak sa mga bahay at sasakyan sa Davao City

Credit: Orlando Dinoy

Hindi bababa sa siyam katao ang kumpirmadong patay, kasama ang isang dalawang taong gulang na bata, sa aksidente sa Davao City, Martes ng umaga.

Inararo ng 10-wheeler truck ang ilang kabahayan at apat na nakaparadang sasakyan sa bahagi ng Barangay Matina Pangi bandang alas nuwebe y medya ng umaga.

Dead-on-the-spot ang isang dalawang taong gulang na bata at ina na nakatayo lamang sa highway nang matabunan ng mga sako ng bigas na dala ng trak.

Ayon kay Davao City police director Col. Alexander Tagum, walo katao ang sugatan at nasa kritikal na kondisyon.

Ayon sa pulisya, nawalan ng preno ang trak na nakareshitro sa ilalim ng BSBC trucking.

Nagmula ang trak sa bahagi ng Panacan at mabilis ang takbo habang binabagtas ang kalsada sa nasabing barangay.

Sa Facebook live video ng Barangay Matina Pangi, makikita na nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang aksidente sa lugar.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Talomo police ang drayber ng trak.

Inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Read more...