Mag-asawang senior citizen patay nang paghahampasin ng kahoy na may kadena sa Bulacan; 2 sa 4 suspek kapwa menor de edad

By Dona Dominguez-Cargullo June 11, 2019 - 06:32 AM

Patay ang mag-asawang senior citizen makaraang paghahampasin ng kahoy sa ulo sa Meyacauayan City sa Bulacan, Lunes (June 10) ng madaling araw.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Felix Bernabe, 76 at misis niyang si Estelita, 77.

Ayon kay Police Maj. Alexander Dioso, deputy chief ng Meycauayan City police, papunta sana ng palengke ang mag-asawa sakay ng kanilang tricycle nang sila ay harangin ng mag-aamang suspek kasama ang isa pang kaibigan.

Pinagpapalo umano ng mga suspek ang mag-asawa gamit ang kahoy na may kadena.

Naaresto naman na ang mag-aamang suspek at isa pang kasama nilang 15 anyos na binatilyo.

Pero ayon sa 14 anyos na si Alyas Ryan siya at ang kaniyang 15 anyos na kaibigan na si Alyas Marlon ang gumawa ng krimen.

Hindi umano nila kasama ang kaniyang ama at ang 18 anyos niyang kuya nang gawin nila ni Alyas Marlon ang paghampas sa mag-asawang matanda.

Ayon sa ama ng binatilyo, tumulong siya nang makitang nakahandusay na ang mga biktima dahil narinig nila ang mga kapitbahay na sumisigaw na mayroong naaksidente.

Inamin ni Ryan na ginawa nila ang krimen dahil lagi silang sinisita ng mag-asawang matanda kapag kumukuha sila ng mangga sa puno nito.

TAGS: Bulacan, crime, meycauayan, Murder, Bulacan, crime, meycauayan, Murder

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.