DOLE nagpaalala sa pay rules para sa paggunita ng Independence Day
Nagpaalala ang Department of Labor and Employment sa mga pribadong employers na sumunod sa holiday pay rules.
Ito ay alinsunod sa paggunita sa Araw ng Kalayaan, bukas, June 12 na isang regular holiday.
Sa ilalim ng advisory na inilabas ni Labor Sec. Silvestre Bello III, dapat na mabayaran ng mga employers ang kanilang mga manggagawa ng 200 percent ng kanilang sweldo para sa unang walong oras nilang trabaho.
Habang ang trabaho namang sumobra sa walong oras ay kinakailangang bayaran ng dagdag na 30 percent kada oras ng trabaho.
Ipinaalala rin ng kagawaran na kung ang manggagawa ay hindi nagtrabaho sa araw ng holiday ay makatatanggap pa rin siya ng buong sahod sa naturang araw.
Samantala, kapag ang empleyado naman ay nagtrabaho pa rin kahit na araw ng pahinga at holiday, kailangan siyang mabayaran ng dagdag na 30 percent ng kanyang 200 percent daily rate.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 555, series of 2018 na nagdedeklara sa June 12, 2019 bilang isang regular holiday upang gunitain ang Araw ng Kalayaan ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.