Lorenzana: Chinese vessels sa palibot ng Pag-asa Island umaalis na
Lumiliit na ang bilang ng mga barko ng China na nakapalibot sa Pag-asa Island ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana.
Sa pahayag araw ng Lunes, sinabi ng kalihim na batay sa report ng AFP Western Command, mangilan-ngilan na lamang ang Chinese vessels na nasa paligid ng pinag-aagawang isla.
“Ang report na nangagaling sa Western Command ay meron pa ring mga mangilan ngilan na natitira pero lumiit na, kumonti na ‘yung mga ships roon,” ani Lorenzana.
Ang pahayag ng Western Command ay suportado rin ng ulat mula kay special envoy to China Ramon Tullfo.
Ang pag-alis ng mga barko ng China ay halos isang buwan matapos sabihan ni Lorenzana si Chinese Ambassador Zhao Jianhua na dapat umalis ang kanilang mga barko sa paligid ng isla.
Sa kanilang naging pag-uusap, sinabi naman umano ni Zhao na naroon lamang ang mga barko dahil fishing season at kapag natapos ito ay aalis na ang mga barko.
“Sabi niya pagka natapos na ‘yung fishing season na ‘yan, aalis naman lahat yan e, babalik na sa China, nagkatugma lang kay Mon Tulfo, considering that he is our special envoy to China,” giit ni Lorenzana.
Kumpyansa naman si Lorenzana na hindi na mauulit ang standoff sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea noong 2012.
Nagkaroon ng insidente noong 2012 kung saan pinigilan ng Chinese vessels ang BRP Gregorio del Pilar ng bansa na arestuhin ang mangingisdang Chinese na kumuha ng corals, pating at taklobo sa Scarborough Shoal na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Samantala, sinabi pa Lorenzana na kahit may presensya ng Chinese ships sa West Philippine Sea ay patuloy ding magpapadala ng barko ang Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.