GMA Network iniimbestigahan kung bakit walang medical team sa taping ni Eddie Garcia

Credit: Bibeth Orteza

Iniimbestigahan ng GMA Network ang kawalan ng medical team habang nasa taping si Eddia Garcia ng bagong teleserye noong Sabado.

Sa pahayag araw ng Lunes, sinabi ng television station na inaalam na nila kung bakit walang medical personnel sa taping.

Ayon sa network, practice na ng istasyon na mayroong medical team at ambulance crew na naka-standby kapag gumagawa ng malaking action scene sa taping.

Ito umano ang ginagawa na rin sa iba pang programa ng GMA.

Gayunman ay tiniyak ng GMA na aalamin nila ang buong pangyayari kaugnay ng nangyari kay Garcia.

Unang nabalita na inatake sa puso ang aktor pero matapos ang isinagawang mga pagsusuri, nabatid na nagkaroon ito ng “severe cervical fracture.”

Kumalat sa social media ang video na nakunan mismo sa taping kung saan makikita na tila napatid si Garcia sa isang kable saka ito bumagsak.

Hanggang Lunes ng gabi, nasa kritikal pa rin na kundisyon si Garcia habang nasa intensive care unit (ICU) ng Makati Medical Center.

Ayon sa pamilya, patuloy na lumalaban ang beteranong aktor kaya muli silang humiling ng panalangin sa publiko.

 

Read more...