Palasyo tiniyak na patuloy ang serbisyo ng PhilHealth sa gitna ng ‘ghost’ claims

Credit: Bong Go

Tiniyak ng Malakanyang na hindi apektado ng kotrobersya sa umanoy “ghost” o pekeng claims ang operasyon at serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mga secondary officials ang magpapatakbo sa PhilHealth habang iniimbestigahan ang mga pinuno ng ahensya kaugnay ng milyong pisong halaga na umanoy nawala dahil sa pekeng dialysis treatment.

“We assure our people that the services of PhilHealth will remain unhampered as operations will continue and will be momentarily run by second-level officials pending the subject investigation,” ani Panelo.

Pahayag ito ni Panelo matapos ang pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng PhilHealth sa Palasyo araw ng Lunes.

Kasunod ng pulong ay inutusan ng Pangulo ang mga opisyal ng PhilHealth na magsumite ng courtesy resignation.

Ayon sa Kalihim, may tiwala pa rin ang Pangulo kay PhilHealth acting president at CEO Roy Ferrer at mga miyembro ng board pero nais niyang magbitiw ang mga ito para hindi mabahiran ng iregularidad ang imbestigasyon gayundin ang implementasyon ng mga polisiya ng gobyerno kabilang ang Universal Health Care Act.

Inutos rin ng Pangulo na imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nakaraang ginawa at transaksyon ng PhilHealth.

 

Read more...