Benefit Patient Notice, dapat mahigpit na ipatupad ng PhilHealth

Umapela si House Committee on Health at Quezon 4th district Rep. Helen Tan sa Philippine Health Insurance (PhilHealth) na mahigpit na ipatupad ang Benefit Patient notice para maiwasan ang anomalya sa pag-claim sa nasabing ahensiya tulad ng nangyari sa WellMed dialysis center.

Ayon kay Tan, ang benefit patient notice ay isang liham na ipapadala sa mga miyembro kung saan nakasaad ang impormasyon ng hospitalization, kung magkano ang binayad ng Philhealth, kung ano ang sakit mayroon ang pasyente at kung saang ospital ito na-confine.

Sa pamamagitan anya nito ay malalaman ng pamilya o ng mismong pasyente kung magkano ang nabawas sa PhilHealth at kung nagamit man ito sa confinement o kung sa dialysis at kung mayroon naman umanong reklamo laban sa PhilHealth ay maaaring gamitin ang benefit patient notice.

Paliwanag pa ng kongresista na isa ring doktor, sa ganitong paraan ay maiiwasan na maulit pa ang anumalyang nangyari sa WellMed dialysis center na nakakapag-claim pa kahit patay na ang kanilang mga pasyente .

Hindi naman anya agad nairereport sa Philhealth kung namatay na ang miyembro nila kaya nananatili pa rin ito sa system ng ahensiya.

Subalit kung mayroong naipadalang kopya sa pamilya o mismong pasyente ng benefit patient notice ay mabilis na maipapaalam agad sa PhilHealth kung namatay na o nagamit ito sa maling transaksyon o kung mayroong anumalya dito.

 

Read more...