Paiimbestigahan ng liderato ng Philippine National Police ang naiulat na bentahan ng Chinese flag sa Luneta Park sa Maynila.
Sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde na inatasan na niya ang Manila Police District Office para imbestigahan ang nasabing pangyayari.
Gustong alamin ni Albayalde kung totoo ba ang nasabing ulat lalo’t kumalat ito sa social media.
Nais rin niyang malaman kung ano ang motibo kung totoo man na ibinebenta sa Luneta ang watawat ng China.
Posible ayon kay Albayalde na may gustong mambastos sa ating bansa lalo’t papalapit na ang Independence Day sa June 12.
Nauna nang sinabi ng National Parks Development Committee (NPDC) na siyang namamahala sa Luneta Park na nakunan ng CCTV ang paglapit ng isang lalaki sa ilang mga vendors sa lugar.
Sa halagang P100 bawat isa ay inutusan umano ang nasabing mga vendors na ibenta sa publiko ang ilang bandila ng China.
Inaalam na rin ng mga otoridad ang identity ng nasabing lalaki.