Mula sa sampalan, humantong na sa barilan ang hamunan sa pagitan nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at dating DILG Secretary Mar Roxas.
Ang reaksyon ni Duterte, ay ang pinakahuling tugon nito sa hamon ng sampalan at suntukan ni Roxas sa oras na mabigo ang alkalde na patunayang hindi ito graduate ng isang prestihiyosong unibersidad sa Amerika.
Una pa rito, binatikos ni Roxas ang isyu ng hindi umano makatotohanang peace and order situation sa Davao City na ipinagmamalaki ng alkalde.
Sinagot naman ito ng hamon ng sampalan ng alkalde na tinugunan naman ng dating Kalihim.
Gayunman, muling naghamon si Roxas na handa siyang makipagsuntukan sa alkalde dahil sa maling mga akusasyon laban sa kanya.
At bilang tugon sa huling hamon ni Roxas, naghamon naman si Duterte ng barilan.
Giit ni Duterte, hindi siya takot mamatay at handang makipagpalitan ng putok ng baril sa dating Kalihim.
Gayunman, batay sa Article 261 ng Revised Penal Code, maaring makasuhan ang isang tao na maghahamon ng barilan at may karampatan itong parusang pagkakakulong ng apat na buwan hanggang dalawang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.