Moratorium sa house inquiries nagpabilis sa pagpasa ng mga panukalang batas sa Kamara
Naniniwala si Albay Representative Joey Salceda na malaki ang naitulong ng ipinatupad na limitasyon ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa pagsasagawa ng imbestigasyon para maaprubahan ang priority bills ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Salceda, mula sa mahigit 700 resolusyong inihain para sa inquiries in aid of legislation ay 14 lamang ang napagbigyang talakayin sa mga komite.
Naging daan anya ito upang ituon ng mga kongresista ang atensyon sa paggawa at pagpasa ng mga batas na siyang tunay nilang tungkulin.
Paliwanag ni Salceda, iilang resolusyon lang ang pinatulan ng Mababang Kapulungan matapos maglabas ng suspensyon o moratorium sa House inquiries.
Dagdag pa rito, lahat ng committee meetings ay dinadaluhan aniya ni Arroyo para mapabilis ang pagtalakay at pagkakasundo sa nilalaman ng priority bills na nasa agenda ng pangulo kaya inalis ang mga hadlang sa proseso at naipasa ang mga ito sa tamang oras.
Mula sa halos 900 panukala na pinroseso sa ilalim ng liderato ni SGMA ay 250 ang naisabatas kabilang na ang Bangsamoro Organic Law, Enhanced Universal Health Care Act, Rice Tariffication Law at Tax Amnesty.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.