Viral sa social media ang umano’y naging bentahan ng Chinese flags sa Rizal Park sa Maynila, ilang araw bago ipagdiwang ng Pilipinas ang ika-121 Araw ng Kalayaan sa June 12.
Ibinahagi ng netizens sa social media ang mga larawan kung saan nag-aalok ang ilang vendors ng Chinese flags sa mga turistang Chinese sa parke.
Umani ng batikos ang mga larawan na ayon sa ilang netizens ay malinaw na pagyurak sa pagiging makabayan ng mga Filipino.
Ilan pa sa mga netizens ay nagsabing hindi na Araw ng Kalayaan ang ipagdiriwang sa June 12 kundi araw na ng pananakop ng China.
Maging si Muntinlupa Representative at House National Defense and Security Panel Chair Rozzano Rufino “Ruffy” Biazon ay ini-retweet ang isa mga posts tungkol sa pagbebenta ng Chinese flags at tinawag ang atensyon ng mga opisyal ng Luneta Park.
Nagulat si Biazon na may ibinebentang Chinese flags sa makasaysayang parke gayong batay anya sa Republic Act 8491 (Flag and Heraldic Code of the Philippines) ay National Flags Days ng bansa ang May 28 hanggang June 12.
Pero ayon sa post ng Department of Foreign Affairs ang June 9 ay idineklarang Filipino-Chinese Friendship Day sa bisa ng Proclamation No. 148, s. 2002.
Sa isang tweet, iginiit pa ni Sec. Teddy Locsin Jr. na hindi dapat ikabahala ang insidente at magkakaroon din naman ng bentahan ng American Flags sa Philippine-American Friendship Day na ipinagdiriwang tuwing July 14.
Binawi naman ni Biazon ang kanyang naunang post at binanggit na rin ang selebrasyon ng Filipino-Chinese Friendship Day kahapon.