Balasahan sa Philhealth tiyak na ayon kay Duterte
Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na may mga ulong gugulong kaugnay sa nabistong anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
May kaugnayan ito sa “ghost dialysis” procedures na posible umanong matagal pinatutunguhan ng pondo ng nasabing ahensya.
Sinabi ng pangulo na magpapatupad siya ng revamp sa mga opisyal ng Philhealth sa kanyang pagbabalik sa Malacañang sa susunod na linggo.
“I have to reorganize your entity, change maybe all of you and install more systems of accounting and accountability,” dagdag pa ng pangulo.
Nauna dito ay ipinag-utos na ng pangulo ang pagsasampa ng kaso sa may-ari ng WellMed dialysis center sa Novaliches sa Quezon City dahil sa paniningil na ginawa sa Philhealth gayung patay na ang kanilang pasyente.
Sinabi pa ng pangulo na nais niyang alamin kung gaano kalalim ang katiwalian sa Philhealth.
Magugunitang nasangkot na rin sa mga nakalipas na panahon ang Philhealth sa ilang isyu ng kurapsyon lalo’t nagamit umano ang pondo ng ahensya sa kandidatura ng isang nanalong senador.
Samantala, sinabi naman ng pangulo na nanatili ang kanyang tiwala sa kasalukuyang president at CEO ng Philhealth na si Roy Ferrer.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.